18 Mar 2009

Pagbabalik-tanaw sa simpleng buhay!

Matapos kong humanap ng sideline kanina para sa aking babaunin sa maikling bakasyon eh heto na nga ako kasama si habibi sa aming bahay. Excited akong naglinis ng kuarto habang iniisip kung ano-ano ang mga kailangan kong dalin sa bakasyon-grande namin ni habibi. Hmmm.. Isang linggo na lang kasi at makakarating na rin ako sa lupain ng mga taong mahihilig sa pasta at lugar kung saan ang katoliko ay naging sentro ng talakayan ng buong mundo. Wow ha? san ko ba hinugot ang kaalaman na yun? hindi ko nga rin sigurado kung tama ba ang source ko. Heniway, yan nga ang alam ko. baka sakali pag nakarating ako eh madagdagan pa ang kapupot kong nalalaman.

 

Linis ako ng kusina at nakita ko ang rice cooker ( naks! sosi) na halos kalahati pa ang laman na kanin. Sus ginoo! Itatapon ko na nman ba ito kapag hindi ko nakain? Binuksan ko ang refrigerator ( isa pa yan! hehe wala kami niyan sa probinsiya !) at nakita ko meron pa nman pala akong natitirang Chinese Cabbage. Maliban sa dalawang itlog at ilang piraso ng bacon eh wala ng ibang laman ang aming fridge. Minabuti kasi namin na huwag nang mamili ng pagkain gayong kami nman eh aalis. Saka na kami mamimili pag nakabalik na kami.

 

O heto na nga, kakaisip ng pwede kong maluto, biglang nag-tingaling ang aking isip. tamang-tama, meron pa akong Mega sardines na natira sa cupboard. Ayos! tutal namimiss ko ang pagkaing probinsiya, heto ang aking naisipang iluto.

 

104_2112 104_2115

 

At dahil naisip ko sa panahon ngayon kelangan magtipid at maging wais, naisipan kong isangag na lang ang kaning-lamig na nakita ko sa akin rice cooker kesa ipainit. Para naman maiba hindi ba? Konting bawang at sibuyas, ayos ang buto=buto. (Actually mas masarap sana kung mejo marami ang bawang nito.. pero pinaghati ko na lang para nman maigisa ko ang aking ulam ) At mula sa chinese cabbage at mega sardines na natagpuan ko sa aking cupboard, nag-gayat ako ng sibuyas at bawang para igisa si mega sardines at cabbage. Eto ang aking naging din-din ( dinner). siguro merong ilan na hindi magugustuhan ang pinagpartner kong hapunan pero sanay kasi ako sa pagkaing kagaya nito. Kung ako nga ay nasa aming probinsiya, malamang sa talbos ng kamote ang isinahog ko dito. Bakit nga, sa aming bahay-kubo, meron akong mga tanim na kamoteng-baging at saluyot sa aming bakuran. At etong chinese cabbage na kilala ko sa tawag na Omboc or baguio cabbage ay isa nang gulay mayaman sa aming baryo. Madalang ang nakakabili nito sa totoo lang. At kaya nman kaibigan ko si sardinas eh kasi nga madalas na kami ay maiwan ni mudra at ni mudro ng isang buong linggo at itong si sardinas lang ang aming karamay sa panahon ng taggutom. Inuutang pa namin yan sa kumare ni nanay hehe. Ang bayad eh kapag kami ay nakaani ng palay o di kaya sibuyas at iba pang gulay na meron kami sa bukid.

 

Tulad nga ng nabanggit ko, madalas na maiwan kaming apat na magkakapatid na meron lamang sampung piso naiwan mula sa panganay. Yun ang ibibili namin ng isang takal na bagoong, vetsin o asin kapag kinailangan. At madalas, tuwing Biyernes ng hapon pagdating nila madir at padir galing ng bukid sakay ni Samsom ( ang aming baka) meron na silang mga dalang sitaw, talong, saluyot, papaya, kamatis, petchay, bayabas, mangga, luya. hehe at maraming pang iba. Yun ngang mga gulay na nabanggit sa bahay kubo naitanim na ni tatay yun eh hehe. Kaya nman kumpleto rekado. Ang sama nito dahil pana-panahon nga ang pagtatanim ng gulay madalas na napupurga kami sa gulay na inaani. hehe nakakasuya talaga. Tulad pag panahon ng sitaw, mula inabraw, adobo at kung ano ano pang resipe mula sa sitaw matitikman namin. Pag hindi ba nman mapanaginipan mo pa. Iba nman pag panahon ng kalabas. Nakupo, lahat ng klase ng luto ng kalabasa winner na nman ang nanay ko. Pati okoy tinira. hehe.. Eto ang masaklap, pag panahon ng sibuyas, winner sa ginisang sibuyas. habang meron sibuyas na available yun ang uulamin namin. GInisang sibuyas na nilagyan ng itlog ang kadalasan. Pag kami eh pumasok sa skul, huwag na huwag kang uutot at malamang kilala na nila kung sino ang salarin. Kami lang kasi ang nagtatanim ng sibuyas nun araw sa aming baryo hehe..  Kaya jusko, nakakakaba talaga. Obligado bago mag-first bell nailabas ko na ang lahat ng masamang hangin kung ayaw kong magsabog ng lagim sa skul wahehehe..

 

Pero alam niyo ba, ngayon na hindi ko na natitikman ang mga lutuin at payak ng resipe ni mamu, namimiss ko sila. Gusto kong kumain ng tinapa na sinasaw-saw sa tinadtad na punlang sibuyas na inihalo sa alamang at kamatis pero hindi ko magawa. Gusto kung kumain ng tinola na ang tanging sahog lang ay knor cubes at talbos ng malunggay. Tapos apg tinanong namin si nanay “ Tinola ba ito Nay? Nasan ang manok? “ Tapos sasabihin nman ni Nanay.. “ Anak, tinola yan, lumipad lang yung manok….” O hindi ba? nakakamiss yun? Heto pa ang namimiss ko, buong taon halos mabibilang ko lang sa aking daliri kung kelan kami makakatikim ng karne ng manok o baka. Karne na manok kadalasan iniaadobo ni nanay yan. yan eh sa tuwing meron kaming exam sa skul hehe. Ang sama nito minsan pag niluto iyan ni nanay bago pumuntang bukid isasabid niya sa aming kisame yan kaso madalas nauunahan kami ng alaga namin pusa. Pag darating kami isang kaserolang walang laman na lang. Nakulti na ang utak mo sa pagsagot sa test paper tapos iniisip mo na darating kang meron adobong manok na paghahati-hatian namin pero wala pa, eh di mauuwi na naman kami sa sardinas. Wag niyo nang itanong kung bakit lagi sinuswerte si muning dahil sa noon sa aming probinsiya hindi kami gumagamit ng refrigerator. Hehe makaluma kami dun. Ang pangluto namin ay kahoy na madalas maging dahilan kung bakit lagi akong huli sapagpasok lalo na pag taglamig. Isipin mo ngang magparingas ng kalan na basa ang kahoy hehe. Gamit pa namin ang pinutol na kawayan at ihip dito at ihip dun ang gagawin. Alin sa dalawa ang mangyayari, pumasok kang me uling sa mukha o maitim ang butas ng ilong. Madalas mangyari sa akin yan! Pero ganun pa man, hindi ako nagsisisi sa aking kabataan. Kasi nga, kung hindi ko naranasan iyon, malamang din na hindi ako matapang sa pakikibaka. Katunayan lang yan, na kung sakaling dumating ang kagipitan sa aking buhay na kinailangan kong magitpid, kaya kong mabuhay na simple katulad ng dati.

 

Di ko man naranasan makahawak ng malaking baon sa pagpasok sa skul pero at least nakakabili ako ng pisong palamig o ice candy na gawa sa milo at isang pirasong saging na saba. Masasabi kong maswerte pa rin ako kumpara sa iba. Pero tulad ng sabi ko, walang pagsisisi sa akin. At least hindi ko man nasulit at naranasan ang kaluwagan sa buhay nun aking kabataan, naging ok nman ang aking buhay ngayon hindi ba? No regrets eka nga!

15 comments:

  1. wow naman tita eds, sa halip ata na mapatawa mo ako sa post mo e napaluha ako..kase halos ganyan din ang dinaanan ko nung araw ng aking kabataan..kami malimit malunggay na bulanglang ang ulam at wag kang hihingi ng iba pa dahil wala ka naman talagang hihingin..kung meron man na tuyo, pagpuputol-putulin pa yun para lang magkaroon kaming lahat o may kahati ang lahat..isang payak na buhay sa bukid na talaga namang ang sarap balikan kahit maraming mali, dun ka naman natututo sa buhay..saludo ako sayo tita eds, at least ngayon may matatag ka ng buhay at tama ka, walang pagsisisi sa nakaraan mong buhay dahil kung ano ka ngayon..pinatibay ka ng kahapon..salamat kaibigan sa paalala mo sa post na ito...

    ReplyDelete
  2. Oo nman kuya tots.. wala talagang pagsisisi sa buhay ko. Nakakamiss yun mga panahon na yun hano? pero buti na lang kahit mahirap ang buhay eh sagana naman sa mga paalala at pangaral si nay at tay.. kung dahil sa kanila tingin ko naging kagaya ako ng ibang kasing edad ko na basta na lang huminto sa pag-aaral at sila na ang nagdesisyon sa kung ano ang gusto nilang daan na tahakin, kaliwa ba o kanan?

    ReplyDelete
  3. oh ayan, makikikopya ako ng comment kay KUya Payatot ha. Well, natawa ako sa iba, pero parang bumalik ang aking nakaraan pagbasa ko nito.
    Tanda ko pa na kapag nagluto ang lola ko ng manok, pagdulog namin sa table, nakamangkok na at kung bakit naman sa minalas malas eh laging napupunta sa akin ang leeg, grrr...tig isang piraso lang. Si father ko lang ang umiinom ng pepsi nun. kami kapag may birthday lang kami nakakatikim ng sopdrinks. Nakiki tanim ako ng sibuyas at nakikidamo, dagdag baon. Nakikisaki para lang may extra pera. Ang dami kong pinagdaanang hirap sa buhay na naging daan kaya ako eh nagpursigeng makaahon. Gaya mo, walang regrets,at masaya ako na ang buhay ng mga anak ko eh kaiba sa naging buhay ko nun. WE're so blessed EDS, siguro ang mga nakawawa non na mababait naman eh ginantimpalaan ng magandang buhay ngayon.

    ReplyDelete
  4. noong isang araw, sabi ko kay lola na magtanim ng klaseng gulay sa gilid ng bahay para anytime na mangailangan eh may makukuha, un namimiss ko ang mga pananim sa aming bahay at sa bahay ng kapitbahay namin...hehehe

    namimiss kona rin ang luto ng aking inay. mahigit limang taon kna rin itong hindi natitikman. hayyyy......

    dahil naging masunirin kang bata noon, at marunong makinig sa magulang, kaya binayayaan ka ni Lord ng magandang buhay ngayon.
    tama, walang dapat pagsisihin sa nakaraang buhay (mali man o tama ang mga ginawang desisyon) dahil ito ang humubog sa katauhan mo ngayon.

    ReplyDelete
  5. Ate Liza tama ka. Siguro nga kahit na ang hirap ng mga pinagdaaanan ng ating kabataan, ngayon nman ang panahon na maranasan natin ang kaginhawaan. Tulad nga ng napagkwentuhan natin nun mga nakaraang buwan o araw, naging mahigpit din ang ating mga mgulang pero tingnan mo nman tau ngaun. Sulit kumbaga ang kanilang ginawa..

    ReplyDelete
  6. hehe Jez, natawa nman ako sa pangungulimbat mo ng tanim ni neighbor hehe.. ang saya niyan ha.. ginagawa ko din yan dati pero sa puno ng bayabas hekhekhek...

    ReplyDelete
  7. Tsariba ang haba ng comment mo hehe natawa tuloy ako :p peace!

    ReplyDelete
  8. Ako yung sardinas hinahaluan ko ng ampalaya. Di ko pa na try ang cabbage.hmmm sige try ko nga minsan. Blessed ka kasi mabait kang bata kaya narating mo yang kinalalagyan mo ngayun. At masipag at matyaga ka kaya may pinatunguan.O diba?

    ReplyDelete
  9. naku i-try mo at masarap nman.. eh kung me ampalayya dito malamang sa ginawa ko yan hehe.. teka mejo touch nman ako sa comment mo.. sabi na nga ba mabait akong bata eh hehe..

    ReplyDelete
  10. great post sis...very touchy...hehhehe..thanks for sharing...ganyan talaga siguro ang buhay....at least nakaraos din dba....kaya nga sabi nila...no guts no glory...ay tama ba yon...hehhehe......may perception ka kasi sa buhay sis...kaya na reach mo yung dreams ngayon....:)

    ReplyDelete
  11. I think lahat nman tayo halos dito sa blogosphere ay nakaranas ng kahirapan sa buhay bago natin narating sa kung ano ang kinatatayuan natin ngaun. Hindi nman ako mayaman pero kuntento na ako sa kugn ano ang meron kumpara sa dati hindi ba? Salamat sa iyong pagdaan Sis dhemz :)

    ReplyDelete
  12. Siguro nga ang mga tao na nagdaan sa kahirapan ay talagang binabalik-balikan ang kanyang nakaraan--(meron din namang opposite na tao dyan tulad na lang ng mga friends kong pinoy dito sa Japan--kaya iniwan ko na sila sa ere.)You are so blessed and down to earth pa!kaya marami kang nare-receive na blessings!

    ReplyDelete
  13. kumampay-kampay nman nag tenga ko dun ate clarissa.. para na tuloy akong si Stitch neto hehehe.. salamat sa comment :) alam kong ikaw rin aymay mga karanasang kagaya nito kaya nakakarelate ka :)

    ReplyDelete
  14. ako rin buhay ko ganyan din kaso mas masahol pa jan nakakaiyak grabe at kong gusto mag tanong e-mail lang po ninyo ako maraming salamat po naiiyak ako..::((:(( heto po email add ko maryann_lomas@yahoo.com

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Widget for Blogs by LinkWithin