19 Feb 2009

Despedida ...

Alas nwebe pa lamang kaninang umaga eh humahangos na si Jamie pababa ng hagdan para sa nakaugaliang isang tasang tsa-a at isang istik ng sigarilyong parang tambutsong bumubuga kaliwa't kanan sa aming makipot na sala. Ano nga ba ang meron ngayong araw na ito? Katatapos lang naman ng Valentines para manorpresa? Ayos naman ang lagay ng aming pusa kahit na mukha siyang Cat version ni Hell Boy sa itsura nitong namamaga ang kanang paa? Ang isda sa  sa akwaryum ay buhay pa rin naman at pilit na inaaninag sa malumot na salamin kung sino ang maaawang magtapon ng pagkain para sa sa kanyang agahan. Hmmm... Ako'y walang pakialam dahil sa di maipaliwanag na dahilan, ano't hindi ako makatulog nung nagdaang gabi. Biling-baligtad si ako habang panay ang siksik ko ng IR-PLAG sa aking kaliwa't kanang tenga upang hindi makapasok ni katiting na tunog mula sa naghihilik kong asawa. Bakit nga ba hindi ako makatulog? Pati tuloy tunog ng puso ko ay dinig na dinig ko ang pagtibok..Isang taon na rin naman akong natutulog sa kwartong ito para isipin ko na namamahay pa rin ako. Ay ewan pero ito ang dahilan kung bakit kahit ilang ulit nang tumutunog ang aking selpon ngayong umaga ay hindi ako natinag para bumangon. Pilitin ko mang buksan ang aking mata at kahit siguro tukuran ko ng palito ay pilit na sasara ito. Nagbabad pa ako ng mga ilang minuto bago ako nagdesisyon na bumangon na rin. Alam ko namang hindi na rin naman ako makakatulog dahil bukod sa sa nakatutulig na tunog ng aming telepono ay wala ring humpay ang ting-a-ling ng kutsaritang panimpla ni Jamie ng mainit na tsa-a.... Ahhh! O siya, gising na nga kung gigising! Matiyaga kong inayos ang aming kama at tumungo na sa aming sala.

Sa aking pagbaba sa hagdanan, isang matamis na ngiti ang ibinati ko sa aking asawa. Bantulot man akong isipin kung siya ba ay gising o medyo gising, pinakawalan ko na rin ang aking unang linya tuwing umaga..." Wer is may Kopi Hani-Bani?.."

Pagtapos ay papilosopo naman akong sinagot ng, " The Coffee is right there on one canister and your coffemate is in the other one and sugar on the third one. Just heat the water from the jug.. Just joking.... I'll make your coffee in a minute..." Huling-huli niya ako habang umiikot ang buliga ng aking mga mata na wari ba'y nagsasabing " Lalalala!.. Tama na at ako na lang ang gagawa ng aking isang tasang kape.." Normal na sa akin ang makipagbiruan sa aking asawa tuwing umaga. Yun ay kung maganda ang aking gising, at kung minalas na hindi, baka panay ang lipad ng tasa, platito at plato sa aming sala habang panay naman ang salo niya na para bang si Lastikman sa isang pinoy fantaserye sa Abs-cbn.

Tumunog ang telepono at siya nga at walang iba. Ang tatay ni Jaime ang nasa kabilang linya. Ngayon nga pla ang iskedyul ng kanilang pagdalaw sa aming munting tahanan. Oo nga pala. Naalala ko ang paggising ko kahapon para umpisahan ang paglilinis ng kuartong kanilang tutulugan. At dahil ako eh tampurorot sa aking asawa ka-blag dito ka-blag dun ang aking drama. Hindi dahil sa ayaw kong tumanggap ng bisita ngunit gusto kong iparating sa kaniya na kami ay magkagalit pa. Nakakompromiso na rin si Jamie sa aming kapitbahay nung nakaraang-gabi para sa isang inuman sesyon na gaganapin namin para kanilang munting despedida. Ahhh... kailangan ko pa lang maging bisi sa araw na ito hindi lang sa paghahanda ng pagkain kundi na rin ang paghahanda para sa isang kantahang punong-puno ng saya. Ito lang naman ang dahilan kung bakit gusto ko ng may bisita. Ito ang rason para ako ay makakanta at maeksersays ang aking bokal kords na matagal na ring nangangalawang. Pakiramdam ko nga ay tulad na rin ako ng mga kontestant sa singing bee na kundi papaakyat ng bundok ang nota eh malamang sumisisid na sa dagat dahil sa wala sa tono. Ayos lang sabi nga " Kahit wala sa tono basta tama ang liriks panalo!"

100_1184Dumating ang aking mga biyenan at kami ay agad na tumungo sa pinakamalapit na shop para sa kaibigang lilisan na sa aming village.

Ang larawang ito ay kuha bago pa man ilagay ang ibang putaheng naluto para sa mag-anak. Masyado yatang napaaga ang pagpityur at puro prutas lang ang nakuhanan ng aking kawawang kamera.

Nang magsimula ang sesyon, dahil sa nasa tapat ako ng prutas na ito, mukhang nadyeta sa matatabang pagkain dahil ako yata ang nakaubos ng isang bandehadong pakwan at mansanas. Dapat pala ay nakapili ako ng mas maayos lugar upang natikman ko lahat.

100_1186 Ang nasa kaliwa ay ang aking biyenan na masayang masaya sa kanyang bagong luk. Kasi nga naman bumata siya ng sampung taon sa kanyang mala-artistahing porma. Brenda naman ang pangalan ng babae na nasa gitna. Siya ang aming kapitbahay na maglilipat-bahay ngayong darating na sabado. At ang natitira ay walang iba kundi ako. Isang shat pa lang naman ng WKD ang aking naiinom ngunit wari ko'y nagising na bigla ang aking bahay-alak. Parang gusto ko nang matulog sa oras na ito. Hindi ba obyus na naipit si Brenda sa gitna?

100_1189 Mahirap isipin pero kailangang tanggapin na si Jamie ay nahawa na rin sa Kulturang Pinoy dahil sa akin. Nakalarawan sa piktyur ang pagbirit niya kasabay si Tony na anak nman ni Brenda. Sa Piktyur na ito makikita niyo ang tipikal na inumang pilipino kung saan nakalatag ang samut-saring pagkain na pwede mong makukot habang tinutumba ang kung ilang latang serbesa o Bote ng Vodka kasabay ang manaka-nakang pagbirit sa Karaoke. Hay! Namimiss ko ito! Ayos lang kapag merong sesyon na kagaya nito ngunit di ko mapigil na hindi ikumpara ang karaoke kasama ang mga kaibigang naiwan sa Pilipinas.. Walang kasing-saya habang ang lahat ay nagpapakalango sa alak at sumasabay ng indak sa bawat kalabog ng tugtuging nakasalang sa karaoke. Isama mo pa ang kantahang duweto sa saliw ng "Bulaklak or Otso-Otso". Katulad Nito:

Tamang Otso-otso at bulaklak trip kasama ng aking mga mahal na kaibigan. Ganito ang sesyon na namimiss ko. Sumasayaw at kumakanta ng walang pakialam kahit na wala sa tono at parehas kaliwa ang paa. Ang importante ay masasaya lahat. Sila po ang mga tinatawag kong mga barkadang naiwan at napilitang lumisan na rin sa bansang Pinas dala ng kahirapan.

Pihadong magtatakip kayo ng tenga kapag narinig niyo ang sinasabi kong kanta ng isang nakainom hehe. Hindi kasi Vodka ang tinitira naming magkakaibigan kundi isang litrong tequila na ipinapasa ng tanggera kasabay ng isang kurot ng asin at kalahating hiwa ng kalamansi. At matapos mong malagok ang isang shat, habang lukot-lukot ang aking mukha sa pinaghalong asim, alat at gumuguhit na init ng matapang na alak ay kukurot sa isang letsong manok o magsasawsaw ng piniritong tuknene o day-old sa sukang merong ginayat na siling labuyo, sibuyas at suka upang mawala ang nakalalasing na ispiritu ng kalalagok na alak. Sarap! Kaya naman madalang man mangyari, madalas naman mayroon isang nalalasing sa isa sa aming grupo. Maaring magpapalahaw ng iyak dala ng panandaliang pagkalimot ng problema o maupo sa isang sulot at manabunot ng damo sa labas ng Rethro Bar habang nagpapalipas ng tama. ( Kapag kasi umuwi kami agad para makapahinga pihadong aakalain ng mga nalasing na kami ay papuntang langit dala ng magkasamang hilo at sukang nararamdaman). Hay nakakamiss talaga sila.. :(

100_0937 (2)At bago ko makalimutan ang mga video pong ito ay kuha nung nakaraang December 14, 2007 - sa sarili kong despedida nung ako ay paalis papuntang UK.

Naikukumpara ko lang naman ang sayang walang katulad ng lasingan-sesyon sa Pinas at lasingan-sesyon sa ibayong dagat. Ang saya-saya noh?

 

100_7395 Namimiss ko ang mga sesyon na kagaya nito. Hindi lang inuman kundi oras para sa chikahan at kakenkoyan. Mga pose na hindi maaring nakawin kahit magdaan ang kung ilang panahon.

Sino ba naman ang makapagsasabing pati Day-Old ay nili-lips tu-lips namin kapag kami ay maghaharap-harap kagaya nito?

Ang nagdaang gabi ay sadyang napakasaya. Para kay Brenda, Andy at Toni hanggang sa muling pagkikita.

Para sa aking mga biyenan na tumulak na pauwi ng England, isang ligtas at masayang paglalakbay ..

At para sa mga kaibigan naiwan at nawalay, palagi kong maaalala ang ating damayan.. Sana'y dumating ang araw na tayo ay magkita-kitang muli para sa isang sesyon gaya ng nakaraan..

6 comments:

  1. hi tita eds, buti naman at buhay pa rin sa inyo ang ugaling pinoy.yun bang kapag may kasayahan ay umaarkila ng bidyoke para makakanta ang lahat...pati asawa mo nahawa na nga sayo, talaga namang todo hawak pa ang mic at tutok sa pagkanta...

    ReplyDelete
  2. sinabi mo pa kuya payatot. Dati ayaw niyang kumanta sa harap ng maraming tao kasi nga ang boses niya eh sobrang laki. Kaso nun una kaming mag-mit eh nakaharap niya ang mga kuya ko ko. wala na siyang magawa kasi lahat nagsisigawan at pumapalakpak na para sa kanya. Ano nga un una niyang kinanta , NO WOMAN NO CRY ni Bob Marley hehehe.. Kaya nga di ko nakakalimutan un kanta niya mula nun nahilig na sa pagkanta. Di na sia parang tumutula o nag nanarrate ng kwento, natutumbok na rin nman ang nota. At ang sama neto, nakaka 99% pa. hahaha

    ReplyDelete
  3. Ay, miss ko na rin ang mga ganyan. Sa amin kapag may birthday or despedida or binyag, may videoke lagi. Well, actually nito na lang na umuuwi na ako sa Pinas, noong araw, can't afford ang mag rent ng videoke. Dito sa amin ngayon, kapag may party kami, basta pinays, kantahan lagi. Hahaha! Kahit mga sintunado na, sige, hala bira!!

    Buti ka nga Eds, maganda ang boses mo, ako, laging naliligaw..ampon yata ako eh, kasi mga pamilya ko puro magagaling kumanta.

    Si Rodney rin gaya ni Jamie, nahawa ng magtungayaw sa knatahan, hehehe. Tuwa naman siya, kahit anong klaseng tono..Hahaha!

    ReplyDelete
  4. buti na lang kamo ate liza ako ay mapagtiis ehehe.. hindi nman kasi sila mahilig magkakanta kaya ayun ngaun lang nila nadidiscover ang talents nila :d

    Nahilig lang nman ako sa kanta dahil sa nanay ko.. binabayaran ako ng limang piso nun araw para kumanta sa combo nila. tapos un lola ko nman magbibigay ng piso pero dapat sa ibabaw ng lamesa ka kakanta hehehe.. demanding no?

    ReplyDelete
  5. hi eds, droppin' by here again- 'lam mo this totally reminds me nung mga barkada ko, baon ko din ang video, kandamatay naman ako sa kakatawa! (lalo na sa part na 2+2 = 3 ha ha, joke lang wa pikon sister!) ang saya grabe ano! namiss ko tuloy bigla ang aking mga mahal na 'bangag gang'...ganun talaga...may mga friends din ako dito, pero iba pa rin sa atin, agawan sa mic, dito minsan paartehan eh, he he- sa atin pag naka-gin na o tanduay, ayaw na bitawan mic, ha ha..kakaaliw!

    ReplyDelete
  6. uy, ganda naman ng voice mo hah. panalo! at panalo din yung back-up dancer (or singer ba sya?) lols. pang American Idol , ay! nasa UK ka pala, so Britain's Got talent na sya na to!! woo-hoo!

    ReplyDelete

LinkWithin

Related Posts Widget for Blogs by LinkWithin