Sa totoo lang muntik ko nang makalimutan ang mother’s day. Kasi nman ang Mother’s day dito sa UK last March pa natapos. Pero ok heto na ang aking pagbati sa aking Mudra.
Dahil araw ng mga ina, gusto kong i-take ang opportunity na to para magpasalamat sa aking ina. Totoo nga ang kasabihan kung wala sila wala tayo sa mundo. Mula sa araw na malaman niya na dala-dala nia ako sa kanyang sinapupunan hanggang sa araw na naging independent ako bilang isang indibidwal, si Nanay ang katabi ko.
Ang picture na nasa taas ay dili’t iba kundi ako. Tama! Ganyan ako ka-cute nun bata ako hehe.. Isipin mo na lang nung lumabas ako di ba ang sabi ng mga nanay “ Kamukhang-kamukha ko..” hehehe. Tapos aapila naman si tatay akin ang mata .. hehe hamo na nga silang mag-away ng bonggang-bongga.
Ang totoo niyan, malaki ang hirap ng aking mga magulang, partikular na ang aking ina. Ilan sa tanong ko nung bata ako ang nasagot ko ng ako ay magkaisip:
- Sino ba ang nagpupuyat sa gabi sa pagbabantay sa akin?
- Sino ang madalas magpalit ng lampin pag ako ay naihi?
- Sino ang unang nag-aalala kapag ako ay nagkasakit?
- Sino atubili sa paghahanda ng pagkain pag birthday ko?
- Sino ang nagrerepail ng sira kong damit?
- Sino ang naglalaba ng damit ko nung maliit pa ako?
- Sino ang gabing-gabi nang umuwi maihiram lang ako ng sapatos na gagamitin ko sa pagsasayaw pag merong program sa school?
- Sino ang una niyang naiisip pag nakakakain sia ng masarap sa isang handaan?
- Sino ang unang nagagalit pag inaalipusta o hinahamak ako ng mga kaklase at kapitbahay ko?
- Sino ang unang nasaktan nun una akong mabigo sa pag-ibig?
- Sino ang nag-aalala pag ginagabi akong umuwi?
- Sino ang unang nagagalak pag umuuwi akong merong award sa school o nakakuha ng mataas na parangal sa school?
- SIno ang matiyagang nagturo sa akin kung paano magluto ng pansit, sopas at kanin na hindi sunog, malata at hilaw?
- Sino ang nagturo sa akin maglaba na dapat nakahiwalay ang puti sa de-color? ( Isama mo pa ang pagkukula)
- Sino ang matiyagang nagtuturo sa akin bumuo ng sentence sa salitang english pag merong Formal theme na kailangan ipasa sa school?
- Sino ang nagturo sa akin kung paano gumawa ng burger sardines ?
At marami pang ibang katanungan na ang tanging kasagutan ay ---- SI NANAY.
Hindi mabilang sa kamay ang mga pasakit nila para sa atin hindi ba? Pero lahat ng mga katanungan na ito eh madalas nakakalimutan sa isang beses na tayo ay mapalo o mapagalitan dahil sa katigasan ng ating ulo at minsang pagrerebelde pag pag hindi nasunod ang ating hilig. Naisip ko, ilang beses kaya ako nag-sorry sa dami ng mga kasalanang nagawa ko? Siguro nga eh mas marami ang beses na ako ay nagmatigas at nagkulong sa kuwarto. Sorry po, Nay hindi ko lang po siguro naintindihan na ako ay nagkamali :(
Naalala ko tuloy ng minsang pinabili nia ako ng mantika sa tindahan ni Lagrama. Dahil merong Diyes sentimos na sukli ang sabi sa akin ng tindera kung gusto ko Caramel na lang ang ibigay nia sa akin kapalit ng Diyes sentimos. Eh siyemre bata ako nun, at ang Caramel ay parang chocolate na sa isang batang tulad ko. Dali-dali nga akong umuwi at hinanap sa akin ni Nanay ang sukli. Ang sabi ko binili ko ng Caramel. Sa galit ni Nanay hinataw niya ng yantok ang aking maliliit na kamay. Ipinalatag nia sa lamesa ang aking mga kamay at paulit-ulit na ipinaalala sa akin na huwag kong uulitin. Talagang hindi ko na inulit kasi mas masakit pala mapalo sa kamay kaysa kumain ng Caramel mula sa kinupit kong barya.
Me and my Brothers ( Obvious ba ?)
Ang totoo niyan, lahat ng paghihigpit niya sa amin nung kami ay bata pa ay para naman sa amin. Kahit na alas- sais pa lang ng umaga parang armalite na ang bunganga ni nanay sa kakasigaw sa akin para magsaing ng agahan o di kaya ay magwalis sa bakuran. O kaya nman kapag ayaw kong mag-urong ng pinggan katakot-takot na sermon ang inaabot ko. Kahit pag JS Prom sa school alam ko nandun si nanay at nakasilip sa bintana para itsek kung sino ang kasayaw ko. Kahit na halos pumutok ang eardrum ko kakasabi na bawal magboyfriend at pag-aaral muna ang atupagin nung ako ay bata pa, nagpapasalamat ako kay Nanay. Dahil kung hindi dahil sa maliliit na detalye ng aking buhay na pinakialam niya eh hindi ako magiging si EDS ngayon.
Boring talaga ang aking kamusmusan pero kapag binabalik ko ang nakaraan, napapaisip ako na kung pala naging maluwag ang aking mga magulang, lalo na ang aking nanay, siguro katulad na rin ako ng ilang kababaihan sa amin na maagang nagsipag-asawa at hindi na nakatapos ng pag-aaral. Siguro isa na rin ako sa mga batang-ina na nakikidamo sa bukid, nagititinda ng palamig, naglalako ng gulay para lang meron maipambili ng gatas para sa mga anak. Buti na lang, nandiyan si nanay.
Nung minsan binilinan ako ni nanay wag na wag daw akong lalabas ng bahay dahil hapon na. Dahil sa katigasan ng aking ulo, sumama ako sa aking mga kalaro at hindi inalintana ang bilin niya. malay ko ba namang ako pala ay mapapahamak? Hinabol lang nman ako ng aso at nakagat nito.
Pagdating ko ng bahay, kahit galit na galit si nanay panay ang salita habang sinasabi :
“ Ayan ang napala mo dahil sa katigasan ng ulo mo. Kung saan-saan kasi nagpupunta hindi ka mapagsabihan..”
Yan ay habang ginigisgis nia ng bawang ang marka ng kagat ng aso sa aking pwetan.
Marami din nman akong namimiss na bagay kasama si nanay. Hindi talaga kami ka-close gaya ng ibang mother and daughter, pero kapag nalulungkot si nanay o di kaya at nagddrama queen, alam kong Jolibee lang ang katapat o Greenwich.
Yun naman ang sarili kong paraan ng pagpapakita ng aking pagmamahal. Yung kapag birthday nia ay binibilhian ko ng isang pares na blouse. O isinasama ko sa mall para i-treat sa ice cream o sa movie ni Vilma Santos. Yan nman ang kahinaan ni nanay.
Minsan nman isang balot ng butung-pakwan na adobo o pinipig flavor eh ayos na sa kanya. Basta merong pirated dvd akong nabili na panonoorin nia habang nanonood nito. Lol!
Pero bago pa humaba ang aking entry sa araw na ito, gusto kong batiin si Nanay ng Happy Mother’s Day! Wala kang katulad at mahal na mahal ka namin. Maraming-maraming sa lahat ng paghihirap mo para sa amin.
At sa lahat ng mga mommies na maliligaw sa aking blog, Happy mothers day din sa inyo .:)